Monday, October 4, 2010

Sinapak Ako ng Isang Kamag-Aral



Sinugod naman siya ng nanay ko. Ngayon magkaibigan kami sa Facebook, at malamang ay hindi na rin niya naaalala ang pangyayaring ito halos dalawampung taon na ang nakararaan. Hindi ko alam ang dahilan kung bakit niya ako sinapak at wala na ring saysay na alamin kung bakit bigla na lang nananapak ang isang batang wala pang kamuwang-muwang sa mundo. Marahil ay bahagi lamang iyon ng pagiging bata.

Ayaw kong pumasok sa paaralan. Ayaw kong umalis ng bahay. Ayaw kong mahiwalay sa nanay ko. Hindi ito dahil sa pangyayaring nakasaad sa naunang talata, bagkus, mayroon pang ibang dahilan. Hindi ko alam noon kung bakit, at hindi ko pa rin alam hanggang ngayon, kung bakit ayaw kong makisalamuha sa mga tao.

Learn to socialize with others. Iyan ang nakasaad sa kauna-unahang talaan ng marka na aking natanggap sa paaralang iyon. Ayon sa aming guro palagi lamang daw akong nasa isang sulok, hindi kumakausap ng kahit na sino at laging ngumangalngal. Ngumalngal, ito ang madalas kong gawin noong mga panahon na iyon.


Ngumangalngal ako habang nakakuyabit sa bakal na naghihiwalay sa amin ng aking tiyuhin na siyang naghahatid sa akin sa paaralan (RIP). Ngumangalngal ako habang pinipilit ng security guard na tanggalin ang aking mga daliring matindi ang pagkakakapit sa mga nasabing bakal. Ngumangalngal ako habang naglalakad pabalik sa silid-aralan, bigo sa layuning makabalik sa aming tahanan. Ngumangalngal ako habang tumatakbo sa kung saan man maaring makalusot upang tumakas at makauwi sa amin. Ngumangalngal ako habang hinihintay ang mga sandali na bigla na lang may sisigaw na uwian na.

Ayaw ko naman talaga mag-aral. Bakit ba kailangang mag-aral ng isang bata? Tanong ko noon sa sarili. Ninais ko lamang mag-aral sa paaralan na iyon dahil doon nag-aaral halos lahat ng mga pinsan ko. Laking gulat ko na lamang nang aking mapagtanto na hindi pala sila ang makakasama ko sa araw-araw na pamamalagi ko sa lugar na iyon. Hindi sila, kundi mga batang bigla na lang nananapak, mga batang umiihi sa salawal, mga batang hindi ko naman kilala. Mga batang bigla na lang mawawala at makikita na lang muli paglipas ng maraming taon. Sa pamantasan. Sa Facebook.

Ang konsorte ay nakita kong muli sa Diliman matapos ang labingdalawang taon. Mahaba na ang buhok niya, pang Taiwanese Drama. Naalala ko siya sapagkat ako ang nasa likod niya noong isang araw na may parada, at naaalala ko ang parada dahil wala ako noon sa unahan kung nasaan ako kadalasan. Palibhasa ako ang pinakamaliit. Nahanap ko naman ang crush ko sa Facebook. Marahil nasabi kong crush ko siya noon dahil siya lamang ang naaalala kong nagtiyatiyagang kumausap sa akin habang naglulupasay ako at nagmumukmok sa isang sulok. Napakababaw na dahilan. Marahil sa tingin ko noon ay mabait lang talaga siya dahil siya lang ang nakikihalubilo sa akin. Nahanap naman ako ng sumapak sa akin, o baka ako ang nakahanap sa kanya. Sa Facebook din kami nagkahanapan. Wala pa namang naghahamon sa amin ng rematch.

Minsan nakakatuwang mag muni-muni at alalahanin ang mga ganitong pangyayari, subalit may mga pagkakataon din na nakakalungkot. Sadyang mabilis tumakbo ang panahon, mabilis na may mga pagkakataong maiisip mo na lang na hindi mo na pala kayang humabol. Ito ay isa lamang sa mga katotohanan ng buhay na kadalasan ay mabuting tanggapin na lamang, sapagkat wala na rin namang maidudulot na kapaki-pakinabang ang pagmumukmok at panghihinayang ukol sa mga bagay-bagay na hindi na maaring baguhin pa. Mga kaganapang napaglipasan na ng panahon.

0 creature(s) gave a damn:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...
Protected by Copyscape DMCA Copyright Detector
 

Film Review

Film Review

Book Review

Theater Review