♣♣♣/♣♣♣♣♣
Isang igat na iniihaw ni Luklak ang makaaagaw ng pansin sa mga aswang na naggagala sa bahaging iyon ng kagubatan. Ang katotohanan ay kapatid ng dalaga ang iniihaw niyang igat na siyang ipinanganak ng kanyang ina noon bago ito pumanaw. Inilibing ang kapatid sa pook na iyon at ngayon lamang binungkal ni Luklak upang gawing hapunan sa kadahilangang siya lamang ang nakaaalam. Matapos makipagtagisan ng talino sa mga halimaw ay malilinlang pa rin ito na bahagian sila kahit kaunti ng napakasarap na kinakain niya. Sila ay kanyang pagbibigyan habang hihikayatin naman siya ng mga ito na dilaan ang tira-tira na ibabalik nila sa kanya. Ito na ang simula ng pagbabago ng buhay ni Luklak sapagkat ito ang magiging dahilan ng kanyang pagiging aswang. Ilang araw ng sakit at karamdaman ang pagdurusahan ng dalaga hanggang tuluyang maging ganap ang kanyang pagbabagong-anyo. Ano nga ba ang naghihintay na tungkulin niya kapag siya ay naging bahagi na ng mga halimaw na kanyang kinaiinisan?
Buong akala ko nung una ay madali ko lamang babasahin ang aklat na ito ngunit ang haka-haka kong iyon ay mabilis na napalitan ng kaunting inis at pagkabagot dahil nahirapan akong magbasa. Sa totoo lang. Kahit na Tagalog ang batayan ng nilalaman ng aklat ay maraming mga salitang hinango ang may-akda mula sa iba’t-ibang wika ng Pilipinas na karamihan ay galing sa wikang Kinaray-a. Sa dami ng mga katagang ito ay kinailangan niyang maglagay ng talaan ng mga salitang hindi natin madalas gamitin sa Tagalog sa dulo ng aklat upang maging gabay sa pagbasa. Gayunpaman ay hindi lamang ito ang natatanging dahilan.
Hindi ganoon karami ang nagaganap sa aklat at madalas ay naliligaw ang salaysay ng may-akda na hindi rin naman ganoon kasama sapagkat marami siyang ibinabahagi na kaalaman mula sa kasaysayan ng ating bayan sa mga panahon na ito ay bago pa lamang nasakop ng mga dayuhan. Sa huli ay maayos niyang naihabi sa kanyang katha ang mga kaalaman na ito pati na rin ang mga kuro-kuro niya ukol dito. Naaliw naman ako kahit paano sapagkat bihira akong makabasa ng mga aklat na tumatalakay sa bahaging ito ng kasaysayan ng Pilipinas kung saan kararating pa lamang ng mga dayuhang mananakop.
Bukod sa mga kataga mula sa iba’t-ibang wika ng bansa ay mayroon ding mga pag-uusap kung saan ating makikita ang Tagalog ng mga paring dayuhan na binabaybay gamit ang paraan ng pagsusulat ng wikang Kastila. Kung ikaw ay nakabasa na ng mga balarila ng mga wikang Pilipino na isinulat ng mga paring ito ay malalaman mo ang aking ibig sabihin. At dahil may mga tauhang pari na dayuhan ay naipakita rin sa atin ng may-akda kung paano kaya ang naging pakikipag-ugnayan at pakikitungo sa isa’t-isa ng mga sinaunang Pilipino at ng mga mananakop na naglalayon na puksain ang mga sinaunang paniniwala na laganap pa noon.
Ang maaring maging suliranin lamang sa ganitong paraan ng pananalaysay ay ang pagkawala ng pagkawili ng mambabasa lalo na tayo sa mga panahong ito kung saan higit na naaaliw tayo sa mga salaysay na maraming nagaganap at talaga namang nahihikayat tayo na basahin ng mabilis ang aklat upang malaman kung ano ang mangyayari sa mga tauhan. Hindi man ganoon kapanapanabik marahil ay kailangan lamang nating basahin ang Aswanglaut kung paano natin babasahin ang isang alamat kung saan higit na nabibigyang pansin ang mga nangyayari sa paligid at hindi ang daloy ng mga kaganapan.
Kung lalaliman naman natin ang ating pagsusuri ang kahulugan talaga sa akin ng akdang ito ay ang laban sa pagitan ng mga sinaunang paniniwala at ng bagong dating na pananampalataya ng mga dayuhang mananakop. Isa sa mga suliranin ni Luklak ay ang pagbibinyag sa kanya ng pari kung saan ang pangalan niya ay papalitan at magiging Isabel. Hindi ito nangyari at sa halip ay naging ganap na ang kanyang pagbabagong-anyo bilang isang balanghitao. Sa huli ay sumama na rin siya sa iba pang mga aswang at halimaw na gaya ng mga sinaunang paniniwala ay unti-unti nang mawawala at mapapalitan ng bagong pananampalataya.
0 creature(s) gave a damn:
Post a Comment