♣♣♣♣/♣♣♣♣♣
Namatay ang asawa ni Rey habang isinisilang ang kanilang nag-iisang anak na si Alison. Magmula noon ay ang mag-ama na lamang ang magkasama sa bahay at sa buhay. Napalaki naman ng maayos ni Rey si Alison, sa paniniwala niya, ngunit hindi maiiwasang maging praning ang ama sa kaligtasan ng anak. Kaya naman isang gabi na pagpatak ng madaling araw ay hindi pa umuuwi ang anak at hindi man lang nagpaalam kahit nagsabi na nung hapon na pauwi na ito, labis na pag-aalala ang dadapo kay Rey. Kasama ang matalik na kaibigan na si Benjo, magsisimulang magsiyasat ang dalawa sa mga maaring kinaroroonan ng anak matapos mabigo ang kanilang pagdulog sa mga kinauukulan na halata namang hinuhuthutan lang sila ng salapi. Dadalhin ang dalawa ng kanilang pag-uusisa sa mapanganib na daigdig ng kalakalan ng bawal na gamot at marami ring matutuklasang lihim ang dalawa tungkol sa anak na akala ng ama ay lubusan na niyang kilala.